Riserts

    Tila kabalintunaan ang nangyayari ngayon.  Singkahulugan ng modernidad ang katwiran at pagkamakatao, sagisag ng pagsulong ng kabihasnan.  Sa malas, batay sa krisis sa Ukraine, Syria, patuloy na digmaan sa Afghanistan, Mindanao, at hidwaan tungkol sa China Sea, umuurong na tayo mula sa modernidad tungo sa barbaridad, mula globalisasyon tungo sa kumprontasyon ng mga makasariling bansang nagpipilit ng kanilang natatanging etnisidad na namumukod sa iba.  Kabaligtaran nga.
    Ibungad natin ang problemang bumabagabag sa atin: Anong uri ng modernidad ang taglay ng Pilipinas? Kaugnay nito, paano mapapalaya ang potensyal ng ordinaryong araw-araw na buhay ng bawat mamamayan?
    
    Isang anekdotang may masusing pahiwatig ang ibabahagi ko muna. Kamakailan, sa isang workshop ng mga manunulat sa TABOAN 2014 (pagtitipon ng mga manunulat sa Subic Free Port, Zambales) tungkol sa pagsasalin, naitanong ko sa panel: “Pare-pareho ba o magkakapantay ang lahat ng wika na magagamit sa pagsasalin?” Di umano, isang inosenteng tanong. Tugon sa akin ng dalawang kasali roon: “Oo, pare-pareho, walang wikang nakahihigit sa iba. “Ibig sabihin, Ingles, Cebuano, Pranses, Intsik, Ruso, Aleman, lahat iyan ay magkakapantay-pantay…
Makasaysayang pagkakataon ito upang pag-isipan natin ang sitwasyon ng Filipinas, ang katayuan ng lipunan at kultura nito, sa panahon ng globalisasyon. Panahon din ito ng malubha’t lumalalang krisis ng imperyalismong sumasakop sa buong planeta. Bagamat global ang pananaw, isang sipat na bumabagtas sa bakuran ng mga bansa, lokal pa rin ang pokus ng analitikong pagsusuri ng ispesipikong buklod ng mga pangyayari at tauhan. Nakaangkla sa praktikang dalumat ng mga kolektibong lakas.
    Panahon din ito ng paglantad sa “total surveillance” at “drone warfare” na isinasagawa ng US habang patuloy na pinatitingkad ang giyera laban sa “terorismo”–ibig sabihin, ang interbensyong paglusob at paglupig sa mga bayan at grupong kontra sa imperyalismo ng mga higanteng korporasyong nakabase sa US, Europa, Hapon–ang Global North at mga kaalyado nito. Nakapanig pa rin ang Filipinas sa Global South, nakapailalim pa rin sa mga industriyalisado’t mayamang bansa.
    Sa okasyong ito, ilang tesis lamang ang ilalahad ko upang ganap na talakayin natin sa pagpapalitang-kuro hinggil sa usapin ng suliranin ng modernidad.
        Nasaan tayo sa hirarkiyang internasyonal? Bagamat kunwaring may kasarinlang republika buhat pa noong 1946, ang Pilipinas, sa katunayan, ay isang neokolonya ng US. Lantad ito sa pagdepende ng oligarkong gobyerno sa poder militar ng US, at sa mapagpasiyang kapangyarihan nito sa WB /IMF, WTO, G-7, UN, at konsortiya ng mga bangko’t nagpapautang na mga ahensiya.
    Sa pandaigdigang situwasyong ito, nakalukob tayo sa panahon ng malubhang krisis ng kapitalismong pampinansiyal. Ebidensiya ang pagbagsak ng Wall Street, pangalawa sa nakaraang siglo, noong 2008. Mas maselan ito kaysa noong 1929. Napipinto pa raw ang isang mas mapanira’t katastropikong pagbulusok sa hinaharap na makapagbabago sa kultura’t ideolohiyang pumapatnubay sa kasalukuyang modernidad. Dito nakalakip ang modernidad ng lahat ng bansa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento